Ads Here:

Friday, June 22, 2012

Bawat Pag-kakataon

" Isang super Typhoon - YONING po ang tatama ngayong gabi sa Romblon," - ang lahat ay nanghahanda sa pagdating ng bagyo.  Hindi magkandaugaga ang lahat sa pagpasok ng mga manok at kambing sa silong ng bahay na gawa lamang sa kawayan, pawid, flywood at yero naman ang nasa bubungan.  Itinago narin ang caban-cabang bigas at palay sa lugar na hindi mababasa kung sakaling dumating man ang bagyo.  Nilagyan narin ng mga tabla at karton ang mga parte ng dingding na may butas upang masigurong walang mababasa sa loob. 
Kabuwanan ngayon ni Aling Emma, kaya pati sya naging abala narin sa pagliligpit ng mga lampin at gamit ng magiging anak nila ni Diony.  Suot-suot ang daster na kulay kaki, at may nakaguhit pang gumamela sa may likuran, agad nyang inihanda ang mga pagkain sa hapag kainan habang naka upo si Dan Dan (apat na taong gulang) sa may gilid ng hagdan na gawa sa pinagpatung-patong na kawayan.  Suot suot naman nya ay sando lamang na may nakasulat na "Good Morning" sa harapan.  Si Le-let (dalawang taong gulang) nama'y nakaupo na sa isang upuang pahaba na gawa sa kahoy.  Si Diony, ang ama ng tahanan ay abala parin sa pag-liligpit ng mga alaga nilang hayop sa kulungan.  " Mag-gagabi na Dioning, at malakas pa ang hangin, pumasok kana dito at kumain na tayo ng hapunan baka lumakas pa ang hangin," pahiyaw na pag-tawag ni Emma sa asawa.  " Sandali nalang to, itinatali ko na ang kambing dito sa loob ng kulungan," mabilis namang sagot ng lalake.  Ilang minuto ring nag-antay ang mag-iina sa harap ng hapag-kainang gawa sa plywood at kawayan naman ang nagsisilbing paa nito.  Abala naman ang dalawang bata sa paglalaro at panghuhuli ng gamo-gamo na nagliliparan sa dila ng apoy ng gaserang nakasindi.  Naglalabasan ang mga gamo-gamo dahil sa bagyo at may konting naring pag-ulan narin sa labas ng bahay.  

" Andito nako!," pang-gugulat ng Ama sa mag-iina.  " Maghugas ka muna ng kamay sa lababo," utos ni Emma na may pagtaas pa ng kilay sa asawa.  Walang nagawa ang lalake kondi lumapit sa lababo. At gamit ang berdeng tabo, nagsalok ito ng tubig sa berdeng timba na nakapatong sa tabi ng tapayan na namumuti na dahil sa katandaan.  " Asan na ang sabon? tanong ni Diony sa asawang nag-aantay.  " Kunin mo sa labas ng bahay, dun sa may alulod ng  poso," sigaw naman ng asawa.  Na-iinis narin si Emma sa kakaantay sa Padre de Pamilya at ang dalawang bata nama'y walang kapaguran sa paglalaro.  Gamit ang moron (ilaw na gawa sa bote na may kerosene at tela) lumabas si Diony upang kunin ang sabon.  Namatay ang dala nitong ilawan dahil sa lakas ng hangin na may kasama pang ambon.  Dala-dala parin ang ilawang walang apoy, tumakbo ito papunta sa may poso at agad na hinawakan ang lagayan ng sabon, sabay takbo pabalik sa kusina.  Matapos ipatong ang berdeng lagayan ng sabon sa lababo, nagsalok itong muli ng tubig sa timba at agad namang kinuha ang Zafeguard sa lalagyan sabay hagod sa ito kamay at nagbanlaw.  

" Anung ulam natin ngayong gabi?" tanong naman ni Diony sa asawa.  " Hindi mo ba nakikita jan sa mesa?" inis na sagot ni Emma sa asawa.  Anim na pirasong paksiw na tamban na nakalagay sa isang bulaklaking plato, kanin sa puting malapad na plato at ginataang gabi ang nakahain sa mesa ng mag-anak.  Habang si Diony naman ay nagmamadali sa pag-kain, si Emma naman ay abala sa pamimilit at pananakot sa dalawa nitong supling na wala paring tigil sa paglalaro kahit nasa harap na ng pagkain.  " Kumain kana na Dan," sambit ng ama na may magkahalong pananakot sa mga anak.  Si lelet ang naunang magsubo ng kanin at ulam, habang si Dan Dan nama'y inuna muna ang tubig na nasa baso.  " Mamaya na ang tubig, mawawalan ka ng ganing kumain nya," nasabi ng buntis na ina sabay pwersang pinasubo sa mga bata ang kutsarang may kanin at ulam.  Pagkatapos ng isang subo, tubig naman ang isinunod ni Dan Dan.  " Sabing mamaya na yan, " puna ng ina na may halong lisik ng mata.  Walang nagawa ang makukulit na bata kundi ang kumain dahil kumuha na ang ama ng tsinelas at handang ipalo sa mga ito para lamang mapakain. 
 
Ng mga panahong iyon, mas lalong lumalakas ang hangin at ulan sa labas.  Kaya mas lalong nagmadali ang mag-anak sa pagtapos at pagligpit ng pinagkainan.  Kahit kabuwanan na, si Emma parin ang naghuhugas ng pinggang pinagkainan nila, at habang ang ama nama'y nasa sala at nakikipaglaro sa mga bata.  Harutan dito, harutan doon, paluan dito, paluan doon, tawanan dito, tawanan doon.  " Aa Ba Ka Da," naman ang kinakanta ni Dan-dan habang nakikipag harutan at kilitian sa Ama at nakababatang kapatid.  " Maghanda kana ng tutulugan natin dyan," nasambit ng ina kay Diony.  At agad namang nagmadali si Diony sa pagkuha ng kulambo na kulay rainbow, banig na gawa sa pandan na halos nangitim na dahil sa kalumaan nito.  Si Dan-dan naman ang agad na kumuha ng unan na halos matabunan na s'ya sa laki nito.  Inisa-isa ng bata ang mga unan na nangangamoy ihing natuyo na sa bulak sa loob nito.  Nagmukhang kargador  ang kawawang bata.  Halos pag-pawisan ang payating katawan ni Dan Dan, kahit na malakas ang ihip ng hangin at mas lalong lumalakas ang bagsak ng ulan sa pawid na bobong ng pamilya. 
 
Nag-mukhang bahaghari ang loob ng k'warto dahil sa bagong kabit na kulambo sa tulong ng panganay.  Pagkatapos maghugas ang ilaw ng tahanan, naghilamos muna ito ng mukha gamit ang Zafeguard.  " Dioning pakiabot nga ng tuwalya d'yan sa kwarto," pakiusap ng ina.  " Sandali lang huh," sagot naman ng asawa.  " Dan, pakiabot nga muna sa nanay mo ang tuwalya dun sa kusina," utos ng ama sa anak.  At nagmadali namang bumaba ang bata dala-dala ang tuwalyang sumasayad pa lupa patungong kusina. " Anu bayan, bakit mo inasa sa bata ang tuwalya? Alam mo namang delikado baka maapakan  ng bata at mahulog sa hagdan," bulalas ni Emma kay Diony.  Walang nagawa si Diony kundi ang magbuntong hininga nalang.  Wala namang nasabi ang lalake at nahiga nalang sa nakalatag na banig na nangangamoy ihi pa, kesa sumagot pa s'ya sa asawa, e alam naman n'yang hindi s'ya mananalo sa asawa.  Iniabot ng bata sa nangangailangang ina ang tuwalya at agad na bumalik sa kuwarto upang maglaro ng anino sa ilawan.  Matapos gamitin ang tuwalya, isinabit n'ya ito sa alambre na nakatali sa magkabilang hamba ng bahay. 
 
" Umusog ka nga d'yan," isang boses ang narinig ni Diony na alam n'yang nagmula sa asawa. Hindi na sumagot pa ang pagod na si Diony kundi ang mag-posistion ng katawan sa pakanan.  Habang abala ang mga bata sa paglalaro ng anino sa may ilawan, si Emma nama'y pumasok sa loob ng kulambo upang ayusin ang kumot at mga unan na gagamitin nila sa pagtulog sa gabing iyon. 
 
" Umalis nga kayo d'yan sa ilawan at hindi ko makita ang inaayos ko dito sa loob," pakiusap ng ina sa dalawang bata na abala parin sa paglalaro ng anino sa ilawan.  Walang nagawa ang dalawa kundi ang sumilip nalang sa maliit na butas ng bintana sa k'warto nila.  " Ssssshhhhhhhtttt, halina kayo," tawag ng ina sa dalawa, kahit na medyo nahihirapan ito sa pag-upo dahil sa kabuwanan na n'ya ngayon.  At agad namang nag-unahang gumapang ang dalawa papasok sa higaang mala kastilyo dahil sa pagkakasunod-sunod ng unan at kumot sa banig na med'yo nangangamoy ihi pa.  Pumwesto ang dalawang bata sa gitna ng mag-asawa.  Sa kanan ang Ama, si Dan Dan, si Le-let at sa kaliwa naman ang buntis na ina ng tahanan.  Nang nakap'westo na silang lahat, lumabas si Emma upang patayin ang ilaw na nakasindi at nakapatong pa sa lamesita malapit lang sa pintuan ng k'warto.  Pero bago pa n'ya gawin yun, kinuha n'ya muna ang gaserang nasa loob ng malaking bote ang telang sinisindihan ng apoy na nakasabit pa sa may bubong sa taas ng lamesita.  Sinigaan n'ya ito gamit ang apoy ng maliit na ilawan sa taas ng lamesita at agad na ibinalik sa sabitan nito.  Pagkatapos isabit ni Emma sa bubong, bumalik itong muli upang patayin ang gaserang nuon ay iniihipan ng malakas na hangin na nagmumula sa mililiit na butas sa ding-ding.  Pagkatapos hipan ang gasera, itinago nya ito sa gilid ng bintana at sinigurong hindi mababasa ng tilamsik ng ulan na nanggagaling pa sa mga butas.
 
" Anu yun?" napapiglas si Emma nang may kumalabog sa kusina.  " Dioning puntahan mo nga yun sa kusina," sabay tapik sa asawa.  " Wala yun, pusa lang yun," sagot naman ng pupungay-pungay na asawa.  " Sige na puntahan mo na, baka kinakain ng pusa ang sobrang ulam natin," paki-usap pa n'ya. 
 
Agad na tumayo si Diony sa pagkakahiga at kinuha ang flashlight na nakatago pa sa ilalim ng unan.  Nagtungo si Diony sa kusina at agad na tinunton ang pinangalingan ng ingay.  Hindi pusa ang nakita nya, kundi ang bilao na nahulog mula sa pagkakasiksik sa butas sa dingding.  Ibinalik ni Diony ang bilao sa ding-ding at agad na sumilip sa siwang ng bintana.  Nabigla si Diony ng makita nya ang nangyayari sa labas.  Ang hangin ay sobrang lakas at sinasabayan pa ng hanging habagat.  Parang mga balarina sa dilim ang mga puno sa labas.  Hina hangin-hangin ang mga sanga at ang mga dahon nama'y nagpapalakpakan marahil sa lakas ng hangin at sinasabayan pa ng naglalakihang butil ng ulan.  Napalalim ang buntong-hininga ng haligi ng tahanan, na nuoy nag-aalala sa asawa. 
 
Ilang sandali pa ay napabangon si Emma sa pinagkakahigaan.  Tumayo ito sa papag na kinauupuan at nagtungo sa kinaroroonan ng asawa.  " Ano nang nangyayari sa labas? tanong ni Emma sa asawa na med'yo kinakabahan.  " Med'yo humihilab na kasi t'yan ko," naibahagi ni Emma.  Mas lalong kinabahan ni Diony sa narinig.  " E panu yan, may bagyo at sobrang dilim pa, mahirap pumunta sa ospital," nasambit ni Diony sa asawa. 
 
ABANGAN ANG MGA SUSUNOD NA KABANATA, MANGANGANAK NA NGA BA SI EMMA? AT ANO KAYA ANG GAGAWIN NI DIONY PARA SA ASAWA.? ALAMIN